PEP: Suzette Ranillo assures fans, Nora Aunor will be coming home 'very, very soon'
source: Melba Llanera | PEP
Sa kabila ng mga lumabas na balita na hindi tuloy ang pag-uwi ni Nora Aunor sa Pilipinas noong July 21, marami pa rin ang nag-abang na baka bigla ngang dumating ang Superstar.
Sa ngayon, iba't iba ang date na sinasabing pagbabalik ng aktres. Nandiyan ang sabi-sabing sa July 31 na raw siya darating, pero may ilan ding usap-usapan na sa September na raw ang uwi nito.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang malapit na kaibigan ni Nora na si Suzette Ranillo sa awards night ng Cinemalaya 2011 noong Linggo, July 24.
Tiniyak niya na ilang araw na lang ang bibilangin at makikita at makakasama na muli ng kanyang mga tagahanga ang Superstar.
"Very, very soon. Magbilang na lang tayo ng araw," sabi ni Suzette.
"Siguro ang mas mabuti, para mas sigurado tayo, ay hintayin natin yung announcement kung kailan siya siguradong darating.
"Ngayon, para hindi tayo mahirapan lahat, hintayin natin yung announcement."
Ano ba ang rason at hindi natuloy ang uwi sana ni Ate Guy last July 21 gaya ng naunang balita?
"Hindi kasi nasarado lahat ng requisitions, hindi natapos yung mga kailangang matapos. But right now, almost finalized na," sagot niya.
Dahil hindi maibigay ang definite date ng sinasabing pagbabalik ng bansa ng Superstar, ito ba ay dahil ayaw gawing malaking issue ni Nora ang pagbabalik niya at gusto niya itong itago sa publiko at sa media?
"Ay, hindi!" tanggi ni Suzette.
"Actually, excited siyang makita lahat tayo.
"Hindi naman sa itinatago kundi kailangan lang tapusin lahat ng negotiations with the producers for her projects."
Tiniyak din ni Suzette na tuloy ang pelikulang pagsasamahan ni Nora at ni Laguna Governor ER Ejercito, ang El Presidente.
Ayon pa sa kanya, ang Cinema Concept, na siyang producer ng pelikula, ang sasagot sa lahat ng expenses ng Superstar pag-uwi niya ng bansa.
Sa pagbabalik ba ni Ate Guy ay mananatili na ito sa Pilipinas o babalik ito ulit sa U.S.?
"Depende, kasi alam ninyo kasi si Guy is already a permanent resident in America.
"Pero excited siyang bumalik at gumawa ng pelikula at makita ang kanyang mga fans.
"Siguro after her project here, babalik muna siya ng America and then madadalas na siyang umuwi ngayon," sabi ni Suzette. - Melba Llanera, PEP