Angelica Panganiban on her recent acting nomination: "Never akong nagbayad!"


source: Nerisa Almo | pep.ph

"Puwede bang sumuko na lang sa nomination? Sila na lang kasi ayaw ko nang maintriga."

Ito ang naging pahayag ng dalagang aktres na si Angelica Panganiban tungkol sa usap-usapan na sinubukan niya umanong bilhin ang isang acting award.

Isa si Angelica sa mga nominado bilang Best Actress sa gaganaping 27th Star Awards sa Hunyo 21.

Kasama niya bilang nominado sa kategoryang ito sina Lorna Tolentino at Bea Alonzo para sa Sa'Yo Lamang, Ai-Ai delas Alas para sa Ang Tanging Ina N'yo (Last Na 'To!), Anne Curtis para sa In Your Eyes, Lovi Poe para sa Mayohan, at Dawn Zulueta para sa Sigwa. (CLICK HERE to read related article.)

Sa ginanap na product launch ng kanyang bagong endorsement na Pond's kagabi, Hunyo 14, sa Sofitel Hotel sa Pasay City, ipinaliwanag ng 24-year-old actress kung saan maaring nagsimula ang maling balitang ito.

Kuwento niya, "Kasi, 'yong isang reporter, nag-birthday siya, parang weeks ago nag-birthday. Parang invited ako and then hindi ako nakapunta.

"Then, Christmas time, di ba, may mga solicitation, may mga magso-solicit sa 'yo para sa raffle? Nagbigay akong gift certificate.

"Then, sabi ng isang reporter na baka puwedeng sabay na lang 'yong Christmas gift ko. Hindi ko na siya nabigyan.

"Tapos, naalala ko na nag-birthday nga pala siya, so binigyan ko siya ng gift check. Mga worth P15,000 'yong gift check na binigay ko.

"Kasi, marami silang reporters na nagpunta sa dressing room ko.

"Ayaw ko naming mambastos na siya lang ang bibigyan ko, so sa kanya ko lang inabot.

"Sabi ko, 'O, maghati-hati na lang kayo.'

"Kasi, hindi ko naman alam kung kailan ang mga birthday nila. Alangan namang abangan ko, di ba?

"So, ibinigay ko sa kanila. After two weeks, 'yon na 'yong naging intriga."

Ikinalungkot daw ni Angelica na ganito pa ang naging pagtingin ng ibang tao sa kanyang ginawa.

"Hindi ko inakala na 'yong regalo kong 'yon para sa birthday ng kaibigan kong reporter, e, gano'n na pala ang meaning sa kanila," sabi niya.

"I DON'T THINK GANO'N SILA KA-CHEAP." Bilang karagdagang depensa, sinabi ni Angelica na hindi rin naman siguro magagawa ng ibang entertainment writers ang ibenta ang isang acting award.

Ani Angelica, "I don't think gano'n sila ka-cheap, na for P5,000 na gift check, ibibigay nila sa akin ang trophy.

"It's sad naman na may mga gano'ng tao na pwede mong bayaran para lang mabigyan ka ng karangalan."

Para kay Angelica, isang malaking karangalan ang mabigyan ng isang acting award.

Simula nang mag-artista si Angelica, ilang awards na rin ang kanyang natanggap mula sa iba't ibang award giving bodies.

Ngayong taon, dalawang beses na siyang pinarangalan bilang Best Comedy Actress—sa Enpress Golden Screen Awards at sa Guillermo Box-Office Awards. Ito ay para sa comedy film na Here Comes the Bride.

At lahat daw ito ay lehitimong mga award at hindi binayaran.

Sabi ni Angelica, "Simula po noong nag-artista ako, never akong nagbayad [para sa award].

"Hindi ko gustong lokohin ang sarili ko para may makita akong trophy araw-araw.

"Masaya po ako kung nasaan ako ngayon and happy po ako sa mga taong naniwala sa akin before and sa mga darating pa na puwedeng ibigay sa akin.

"Kung gusto talaga nila, sa kanila na lang. Okay lang talaga."

CLEAR CONSCIENCE. Kung sakali ba ay dadalo pa rin si Angelica sa darating na 27th PMPC Star Awards for Movies?

"Oo naman, malinis ang konsensiya ko," sagot ni Angelica.

"Magpapasalamat ako sa kanila nang bonggang-bongga dahil sa lahat ng nangyayaring intriga, ako pa rin 'yong... Kumbaga, gusto nila akong manalo."

Patuloy pang pahayag ni Angelica, "Sabi ko nga, ang hirap kasi hindi naman comedy 'yong category na binigay sa akin, e.

"'Yong nomination itself, nakakataba na ng puso 'yon, na ma-nominate ako as best actress sa Star Awards, na hindi comedy ang ibibigay sa akin.

"Talagang best actress ka na kaya mong lumevel sa mga tao sa drama, na kulang na lang magbuwis ng buhay para lang makaarte."

Sa bandang huli, nagbiro pa si Angelica na wala raw magiging problema kung sa iba maibibigay ang nasabing award.

Aniya, "Mas maraming deserving and nakakadalawa na ako for this year, okay na. Next year na lang ulit kung iintrigahin niyo lang ako."

Nabanggit pa niya, "Huwag na lang talaga. Puwede bang sumuko na lang sa nomination?

"Sila na lang kasi ayaw ko nang maintriga. Tama na, di ba?

"Kuripot akong tao, hindi ako magbabayad."
Tags: ,

About author

Curabitur at est vel odio aliquam fermentum in vel tortor. Aliquam eget laoreet metus. Quisque auctor dolor fermentum nisi imperdiet vel placerat purus convallis.