PEP: Patrick always consults with Jennylyn when it comes to their son
source: John Fontanilla | PEP
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Patrick Garcia pagkatapos niyang mag-guest sa radio program ni German "Kuya Germs" Moreno na Walang Siesta nitong Huwebes, July 21.
Kapansin-pansin ang magandang aura ni Patrick nang makausap namin siya. Ang malaking dahilan daw ng pagiging masaya niya ay ang anak niyang si Alex Jazz.
Si Alex Jazz, who will turn 3 years old next month, ay anak ni Patrick sa dati niyang girlfriend na si Jennylyn Mercado.
A CHANGED MAN. Ayon sa aktor, iba na ang takbo ng kanyang buhay ngayon.
Kung dati raw ay happy-go-lucky siya, ngayon ay mas gusto na raw niyang magtrabaho nang magtrabaho para sa future ng kanilang baby ni Jennylyn.
"Happy ako kasi iba pala ang feeling kapag may baby ka na, kapag nakakasama mo ang baby mo.
"Lalo na't lumalaki na si Jazz, mas gusto ko siya laging kasama.
"Kung dati ang iniisip ko sarili ko lang, pero ngayon, si Jazz na—kung ano ang maganda sa kanya.
"At mas gusto kong magtrabaho para sa future ng anak ko, hindi na ako katulad ng dati na laging gumigimik.
"Ngayon, pag wala akong trabaho, mas gusto ko yung kasama ko ang anak ko."
Kumusta naman sila ni Jennylyn?
"Mas okey kami ngayon as parents of Jazz, we're friends," sagot ni Patrick.
"Everytime that we talk, it's about Jazz, kung anong kailangan niya.
"And now he's going to school. Para pag nasa regular school, madali na."
May say ba siya sa pagpili ng school na papapasukan ni AJ?
"Siyempre kaming dalawa ni Jen ang magde-decide dun.
"Siyempre taga-Alabang ako, tapos siya Quezon City.
"Siyempre minsan gusto niya yung malapit sa bahay niya, at ako yung malapit sa bahay ko.
"We compromise naman, 'Dito na lang tayo sa gitna sa Ortigas.'"
ARRANGEMENT WITH JENNYLYN. Nabanggit din ni Patrick na may bago na silang arrangement ni Jennylyn pagdating sa kanilang anak.
"Dati nahihiram ko, dati natutulog siya sa bahay.
"Pero we both decided na dapat isa lang ang alam niyang bahay, para hindi ma-stress ang bata. Baka kasi ma-confuse.
"So we both decided na sa bahay na lang ni Jen, at ako na lang ang pupunta dun."
Natutulog din ba siya sa bahay ni Jennylyn?
"Yun ang bawal, pinapatulog ko lang yung anak ko," sagot ng binatang ama.
Siya ba yung nagtitimpla ng gatas pag wala si Jennylyn?
"Marunong naman ako magtimpla ng gatas," nakangiting sabi ni Patrick.
"Pero yung diaper, hindi ako marunong. Tinatawag ko na si Yaya dun."
Ano ang general parenting concerns nila ni Jen? Do they always consult each other?
"We always talk naman," sagot ng aktor.
"Yung part niya yung maghahatid sa school, ako naman minsan yung magsusundo.
"Kung sino ang available, ganun, talagang open communication kaming dalawa para walang complication."
Dahil okey na sila ngayon ni Jennylyn, may possibility kaya na magkabalikan sila?
"Hindi ko iniisip 'yan. Kasi sa ngayon, mas concerned kami kay Jazz.
"Pero hindi natin alam kung ano ang mangyayari, pero ang mahalaga, okey kami for our son."
Nag-uusap ba sila ni Jennylyn tungkol sa mga nagiging karelasyon nila?
"Hindi naman, nagbibiruan lang. Pero hindi namin pinag-uusapan.
"If nag-uusap kasi kami, laging tungkol sa anak namin."
BACK TO ACTING. Pagkatapos mapahinga mula sa pag-arte ng matagal-tagal ding panahon ay magbabalik si Patrick sa pamamagitan ng upcoming primetime fantaserye ng GMA-7, ang Iglot.
Makakasama niya rito ang mga kasamahan niya dati sa ABS-CBN na sina Claudine Barretto, Jolina Magdangal, at Marvin Agustin.
Ano ang role niya sa Iglot?
"Yung sa character ko, siyempre ayokong masyadong ma-reveal," sabi niya.
"Isisikreto ko muna, baka kasi ma-reveal din yung istorya, kaya medyo secret muna. Abangan na lang nila."
How about sa pelikula? May gagawin ba siyang pelikula this year?
"Wala pa namang film project. Pero kung meron man, ang gusto ko maganda yung script.
"For me naman, wala akong care kung maliit ang role ko o malaki, basta I like the character, maganda yung istorya.
Nakagawa na ba siya ng indie film?
"Wala pa, pero gusto ko ring makagawa," sabi ni Patrick.
"Hindi naman kasi 'yan sa pera, gusto ko lang maganda yung script.
"Katulad ng sabi ko, kahit maliit lang ang role, basta magmamarka." - John Fontanilla, PEP