Pokwang has lost communication with rumored American boyfriend
source: Bong Godinez | pep.ph
Handang-handa na ang komedyanang si Pokwang para sa gaganaping inagurasyon ni Benigno "Noynoy" Aquino III bilang bagong pangulo ng bansa ngayong umaga, June 30.
Isa si Pokwang sa mga inimbita ng kampo ni President-elect Aquino para dumalo at personal na masaksihan ang espesyal na seremonya na gagawin sa Quirino Grandstand sa Maynila.
Matatandaang naging masugid na tagasuporta ni Noynoy si Pokwang, kasama ang iba pang showbiz personalities, noong nangangampanya pa ito.
"Once in a lifetime experience ito siyempre nakatututok ang buong mundo kaya nakakatuwa," sabi ni Pokwang nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at ilang entertainment reporters kahapon, June 29, sa pocket press conference para sa upcoming Star Cinema horror film na Cinco, kung saan mapapanood ang komedyante sa episode na may pamagat na "Puso."
Ginawa ang presscon sa Proud Mary Café Diner sa Tomas Morato, Quezon City.
GOING FORMAL. Two weeks bago ang inauguration ay tinawagan daw si Pokwang ng kapatid ni President-elect Noynoy na si Kris Aquino para personal na ipaalam sa kanya na kasama siya sa invited guest list. Isang linggo bago ang okasyon ay natanggap naman ng komedyante ang written invitation.
Ang fashion designer na si Anthony Ramirez ang gumawa ng gown na isusuot ni Pokwang para sa pormal na okasyon.
"Filipiniana dress na yellow tapos pinalagyan ko siya ng Swarovski," paliwanag ni Pokwang nang tanungin tungkol sa design ng kanyang gown.
Maninibago ang publiko lalo na ang mga masugid na tagasubaybay ng Wowowee na sanay makita ang kanilang idolo na nakasuot ng makukulay na damit with matching flamboyant head dress. This time, at dahil na nga rin sa hinihingi ng okasyon, ay ibang Pokwang muna ang makikita ng mga tao habang nanunumpa ang bagong presidente.
"Seryoso naman ako ngayon!" natatawang sambit ni Pokwang. "Sa sobrang seryoso ko, baka magmukha na akong senador!"
Kung pormal si Pokwang sa mismong inauguration ay balik naman ito sa pagiging kuwela pagdating ng gabi. Didiretso kasi siya sa Quezon Memorial Circle sa Quezon City para mag-perform sa victory party ni Noynoy na bukas para sa publiko.
NO LOVELIFE. Ibinalita rin ni Pokwang na wala na silang komunikasyon ng napabalitang admirer nito na isang American police officer.
Sa isang artikulo na lumabas dito sa PEP noong April 23, 2010, ay ikinuwento ni Pokwang na nagkakilala sila ni Ryan Navarro sa Dallas, Texas matapos ang isang show kasama ang iba pang Star Magic talents. (CLICK HERE to read related story.)
Nabanggit din ni Pokwang na madalas silang nagkakausap ni Ryan sa telepono at may balak pa raw ang foreigner policeman na dumalaw rito sa Pilipinas.
Ngunit kahapon sa press conference ay diretsong sinabi ni Pokwang na malabo na ngang dumalaw sa Pilipinas si Ryan dahil na rin sa hindi na sila nagkakausap.
"Ginayuma na siya ng iba," pabirong paliwanag ni Pokwang. "Na-realize ko na talaga na wala akong suwerte sa lalake... Basta may nadiskubre akong hindi kanais-nais."
Sinabi ni Pokwang na nalaman niya na may kinakasama na rin pala ang foreigner at nakita niya mismo ang ilang larawan na magpapatunay dito.
Dagdag pa ni Pokwang, "Wala na, ba-bye na kaming dalawa. Buti na lang maaga kong nalaman. Hindi naman ako umaasa, inano ko lang na darating siya pero hindi ko talaga in-assume na darating siya anytime. So, nagpaka-busy ako sa trabaho and 'yon, may na-discover nga akong hindi kanais-nais."
MANAGEMENT'S CALL. Umiwas si Pokwang na pag-usapan pa ulit ang naging pahayag niya sa isang interview sa isang showbiz talk show kung saan sinabi niya na kay Robin Padilla lang naramdaman ng Wowowee co-hosts ang respeto bilang babae nang mag-guest host ito sa programa.
Si Willie Revillame ang original host ng popular noontime show program ngunit pansamantala itong nagbabakasyon.
"Naku, hayaan na lang natin 'yan," iwas ni Pokwang.
Ayaw na lang daw niya pansinin ang mga lumalabas na usap-usapan patungkol sa hinaharap ng programa dulot nga sa naging kontrobersiya na kinasangkutan ni Willie.
"Gaya nga po ng sabi ko, kung ano na lang 'yong binibigay sa amin ng management tuloy lang po kami. Bilang kami po ay nagtatrabaho lang sa ABS, sila naman po ang nakakaalam kung ano 'yong nararapat para sa amin. Basta naghihintay lang po kami kung ano 'yong darating sa amin."